Bookmark the Filipino Bookstore

Seasons Greetings!

BUKAL NA PAMPANITIKAN: Mga Babasahing Panteksbuk at Pangsanggunian

Naglalaman ang librong ito ng mga akdang magagamit na seleksiyon para sa mga serye ng teksbuk na panghaiskul at piling mga babasahin na pangkolehiyo. Bukal ang mga ito ng malawak na karanasan ng pagsusulat ng may-akda, ng pagtuturo sa mga pangunahing unibersidad at pagsangkot sa mga kilusang pambayan at pangkultura.

Sa kasalukuyan, humahango ang mga koordineytor at editor ng nilalalaman ng mga teksbuk sa haiskul at kolehiyo mula sa isang mimiyograp na libro ng mga akdang pampanitikan na rekomendado ng DepED. Binubuo ito ng mga tula, kuwento, dula at sanaysay mula pa sa panahon ng mga bayaning manunulat na tulad nina Francisco Balagtas at Jose Rizal hanggang sa unang mga dekada matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Pagkaraan ng mga panahong ito, kailangang masusing “minahin” na ng prodyuser ng nabanggit na mga serye ang dumaraming antolohiya o koleksiyon ng mga akda ng mga premyado at kinikilalang mga manunulat ng mga institusyong tulad ng taunang Carlos Palanca Memorial Awards for Literature at Patimpalak sa tula at sanaysay ng Komisyon ng Wikang Filipino (KWF), at ng pana-panahong paggagawad ng gantimpalang pampanitikan ng Sentrong Pangkultura ng Pilipinas (CCP), Pambansang Komisyon sa Kultura at mga Sining (NCCA) at ng iba pang mga samahang pampanitikan.

Natatago sa pag-iingat ng mga institusyong  nabanggit ang mga hiyas ng Pambansang Panitikan na nasusulat sa Filipino at sa Ingles at sa mga wikang rehiyonal—mga akdang binigyan ng pagkilala at karangalan, mga manunulat nito na dahil sa tinanggap na mga Gawad ay naging mga institusyon na rin. Kayamanan ng lahi ang mga akda at mga manunulat ng ating pambansang panitikan dahil kontribusyon ang mga ito ng talino ng Pilipino sa larangan ng sining at kultura. Tulad ng mga bansang mataas ang antas ng sibilisasyon at mga likhang-isip at kadalubhasaan ng mga mamamayan nito, dapat nating idambana ang ating mga siyentipiko, imbentor, at mga artist ng pitong sining (seven arts).

Sa yaman ng ating panitikan (sa Filipino, sa Ingles, sa mga wikang rehiyonal at etniko (Fil-American, Fil-Chinese, iba pa) at expatriate literature (mga akdang sinulat sa ibang lupain sa ating katutubong mga wika), nakatitiyak ang nagbubuo (compiler), naglalathala (publisher), at namamahagi (distributor) ng mga teksbuk at mga sanggunian na makapaghahain sila ng mga librong kumakatawan sa mataas na kalidad ng ating kultura at sining, at lawak at talisik ng isip ng mga manunulat natin. Ang inakda ng mga manunulat na ito ang lakas na dapat nagtutulak sa gumagamit ng mga teksbuk na ito, lalo na ang kabataan, na lumikha ng panagimpan (vision) hindi lamang bilang produktibo sa kanilang mga hanapbuhay at mga propesyon kundi nag-iisip at may mataas na pagpapahalaga sa kaniyang pagkatao tungo sa pagpapasulong ng mga pagbabago sa kaniyang lipunan.

Mabuting gabay sa paggawa ng mga teksbuk at dagdag na mga babasahin ang konsepto sa edukasyon ni Paulo Reglus Neves Freire, Ph.D., isang edukador at philosopher mula sa Brazil. Tagapagtaguyod ng critical pedagogy, sinabi niyang hindi hungkag na sisidlan ang utak ng mga estudyante na dedeposituhan lamang ng guro, tulad sa bangko na kung ano ang idineposito rito, iyon din ang maii-withdraw. Kailangang pagsikapan na gisingin ang kritikal na kamalayan ng mga estudyante, pag-isipin kung ano ang tinanggap nila sa kapwa tao at sa paligid at timbangin kung ang mga iyon ay nagpapakilos o pumaparalisa sa kanila sa lipunang dominado ng mga puwersang laging nakahadlang sa kanilang pagsulong. Gayon ang dapat na bisa ng kanilang mga babasahin sa mga teksbuk sa tulong ng mulat na pagtuturo ng kanilang mga guro. Tapusin na ang panahong binubuo ng mga prodyuser ng mga libro ng kabataan ang paraang padampot-dampot lamang, hindi na pinipili ang mga seleksiyong mag-iiwan ng impresyong mapagmulat at mapanlikha sa kaisipan, at walang pakialam kung ano ang kahinatnan ng kabataang sinabi ni Rizal na pag-asa ng ating bayan.

Patuloy na tinutugunan ng ating pamahalaan at ng iba’t ibang sektor ng edukasyon ang maraming reporma sa ating kurikulum, isa na rito ang programang K-12. Isang hamon din ang pagreporma sa nilalaman ng mga teksbuk sa haiskul at sa mga kolehiyo at unibersidad. Dagdagan na ng bagong mga akda ang mga librong iyan, samahan ng mga bagong estratehiya sa pagtuturo at nasubok ng ebalwasyon sa pagkatuto ng mga mag-aaral.

EFREN R. ABUEG, Ph.D.

Nagturo sa De La Salle University-Manila (23 taon), at iba pang pangunahing unibersidad tulad ng UP-Diliman, Ateneo de Manila University, PLM, MLQ University, at Philippine College of Commerce (PUP ngayon), tapos si EFREN R. ABUEG ng M.A., Language and Literature in Filipino (DLSU) at Ph.D in Translation Studies (UP).  Propesor siya ngayon (2014) sa mga graduate school of education ng PUP (Sta. Mesa, Manila) at University of Perpetual Help System-Dalta (Las Piñas City).

Nobelista at kuwentista hanggang ngayon ng magasing Liwayway (itinatag:1922), nagkamit siya ng maraming gantimpala at gawad-pampanitikan, kabilang ang Palanca Memorial Awards, Gantimpalang Liwayway sa Nobela, Gantimpalang M.L. Quezon sa Panitikan (Quezon City), Gawad Alab ng Haraya sa Panitikan (National Commission for Culture and the Arts), Gawad Sagisag ni Balagtas (Komisyon ng Wikang Filipino), at Gawad Emilio Aguinaldo (lalawigan ng Cavite). Ilang nobela niya ang naisalibro: Isang Babae sa Panahon ng Pagbabangon (DLSU-Manila), Mga Kaluluwa sa Kumunoy (U.P. Press), at Huwag mong Sakyan ang Buhawi (Ateneo de Manila University Press). Nagsulat sa MOD Magazine at Woman’s Home Companion Journal noong dekada ’70, nailibro na rin ang serye ng 25 artikulo niya ng mga kasong legal, ang Dramatic Legal Cases (Academic Publications).

Naging presidente ng Kapisanan ng mga Propesor sa Filipino (KAPFIL) at Linangan ng Literatura ng Pilipinas (LLP), nakapaglektyur siya sa maraming unibersidad at kolehiyo sa Luzon, Visayas at Mindanao. Kabilang ang tatlo niyang nagkagantimpalang kuwento (Mabangis na Lungsod, Sa Bagong Paraiso, at Kamatayan ni Tiyo Samuel) sa Mga Akdang Pampanitikan sa Filipino (Lebel Sekondarya) ng DEPED.